Sunday, September 6, 2015

Silentium Amoris, O Kung Paano Ako Nasupalpal ng Isang Thank You

Patawad, Oscar Wilde. 

Pero patay ka naman eh. So okay lang. Life ko naman ito. 

_______

Ilang beses kong binalak
Sa pagbukas ng bintana ng Skype
Na sasabihin ko sa yong
Mahal
Kita.

Sa Ingles -- I love you.
Dahil di ka nakaka-intindi ng Pilipino.
Lengwahe man o
tao,
puso,
sentimyento.

Nag-igib ako ng lakas ng loob kung
paano kami mag-igib sa Paranaque
Ilang araw kaming magtitiis na walang tulo
Salok-salok sa bilang na balde
Bawat patak, importante
Dahil kapag wala na, paano na?
Aalingasaw
Ang katawan
Ang kaluluwa

Kaya ako rin, nag-ipon ng kompyansa
nag-praktis ng mga salita
Dahil alam kong magdurugo ang ilong ko
sa pagpapaunawa sa yo
Kung paano ako naglakbay
mula sa disyerto ng kalungkutan
at nakita kang parang talang nangungusap
sa langit ng internet.
Kung paano ako nabighani
Ng iyong mga kwento
Ng iyong halaklak
Sa aking walang patid na gabi

At nang dumating na nga ang pagkakataon
(Pinatapos ko muna ang kwento
Tungkol sa sariling disyerto ng mga Arabo)
Umawit ako ng pag-ibig
Kahit sintunado
Kahit nagsasara ang lalamunan
Isang piyesang nag-iba sa inensayo
(Nung nakita kitang walang kibo
Sa nagbubuhanging kwadrado
Ay nag-improvise na ako)
Sa bawat kataga'y tumatagas ang lakas
Pero sige pa rin
Tuloy pa rin
Dahil sasabog naman ang dibdib ko
Kung kinulong ko ang Mahal Kita.

Hindi ko hiningi na mag-I Love You ka rin.
Sabi ko Wala Akong Hinihintay na Kapalit

Pero baka nasabi ko yun
Dahil nangingiwi ako sa hiya --
Nung nagladlad ako ng damdamin
Isang Tenk Yu ang sinukli

Thank you.

Sing-ikli ng band-aid
Sinsakit ng Salamat Pero Di Kita Mahal
Sinlamig ng Hindi Kita Type
Di Tayo Bagay
Ano Ka Hilo

Bituin Ako
Tubig Ka Lang

Thank you na lamang

Nagtupi ako ng binulatlat kong feelings --
Nagsilid ng pag-asa, at nagtabi ng pag-asam
Sanay na sanay na ata akong magkula
Ng kahihiyan
O rejection
Kahit ba balutan ng good manners and right conduct
Ang nakaka-hiwang pagtanggi
Dahil side effect ng paging tao,
Tinatablan pa rin.






No comments:

Post a Comment